“Ang Valentine’s ay gawa gawa lamang ng mga kapitalistang gustong
magkaroon ng dahilan para gumastos ang mga tao”
Yan ang sabi ng mistah ko sa akin matapos syang awayin ng
misis nya nung Valentine’s last year. Nung mga panahong iyon kakakasal nya pa
lang at yun sana ang pinaka unang Valentine’s nila bilang mag asawa. Pero dahil
nga sundalo na naka destino sa Mindanao habang ang asawa nya naman ay nasa
Baguio walang nangyari na kahit anong romantic. Pagsabi nya sa akin non para
kaming dalawang mamang nakasakay sa iisang bangka, pareho kaming naaway ng
asawa sa araw ng mga puso.
Iba naman ang sa akin. Mas matagal na akong may asawa at
kahit noon hindi ako naniniwala na importante ang mga bagay na yan. Para sa
akin mas mahalaga ang trabaho ko dito sa kampo at iniisip ko lagi na
naiintindihan ng misis ko yun, at ng anak ko na nung mga panahong iyon ay apat
na taon pa lang. Pero mali pala ako. Gaya ng nakakarami, gusto nya ring ma
experience yung nangyayari sa iba. At siguro, mas dapat nga naman na masubukan
nya yun, tutal hindi na naman masama na pagbigyan sya, sundalo nga kasi ang ang
asawa nya, masama na ba talaga na masubukang maging normal na mag asawa – kahit
sa araw lang na yun. Ang sagot ay hindi nga masama pero hindi rin pwede.
Nung mga panahon na iyon, kami ng mistah ko ay mga Company
Commander. Malinaw ang patakaran pag ikaw ay isang Commander, five days lang
ang pinakamatagal ka na pwedeng mawala sa iyong area. Tapos sa loob ng limang
araw na yun pwede kang pabalikin ora mismo pag kinakailangan. Pag nag aaral ka
para maging opisyal, o kaya opisyal ka na nangagarap maging isang kumander
sinasabi mo sa sarili mo na okay lang yun. Sinasabi mo sa sarili mo na hindi
mahirap yun pero pag nandun ka na, sabi nga it is easier said than done.
Nakakaramdam ka ng pangungulila sa mga mahal mo sa buhay. Ang mas masakit dun
eh pag nakita mo na yung mga pamilya ng mga tao na nakakahalubilo mo sa iyong
panenerbisyo, nakakaramdam ka ng inggit. Katagalan yung inggit na yan magiging
inis kasi nga habang ikaw ay tumutulong sa mga tao para maging maayos ang
kanilang pamilya, ikaw itong sinasakripisyo ang sarili mong pamilya.
Dahil nga puro kami inaway ng mga misis nung gabing iyon,
nauwi kami sa inuman dun sa J-Kob. As usual, kasi nga Valentine’s kanya kanyang
partner—yung iba dun sa inuman. Syempre kami ang partner naming, yun malamig na
San Mig light. Ang takbo ng usapan ay ganito:
“Dapat naiintindihan nila tayo, sundalo tayo eh pinakasalan
nila tayong sundalo, alam nila yun tapos aawayin tayo”
Ang corny no. Dalawang magigiting na Commander ng isang
Kumpanya ng mga Sundalo, mga PMA Graduates, matatapang sa digmaan, tapos ang
pinag uusapan hinanakit kasi na away ng misis sa Valentine’s. San ka pa. Kahit
anong gawin namin, balik ng balik ang usapan sa ganun, hindi maikakaila na
gusto man naming paniwalaan ang aming mga pinagsasabi, alam naming sa aming mga
sarili na tama ang mga misis namin sa pag away sa amin. Ang masaklap, ay alam
din namin na hindi talaga kami ang inaaway nila. Ang inaaway nila at patuloy
nilang magiging problema eh bakit kailangan nilang isakripisyo ang kanilang mga
asawa para sa kapakanan ng ibang tao na madalas eh ni hindi naman marunong
magpakita ng pasasalamat sa serbisyo na ginagawa ng kanilang mga mister.
Ang totoo, hindi naman kasi talaga yung pag away ng mga
misis pag Valentine’s day ang pinaka issue. Mas gumugulantang lang sa mga asawa
namin ang katotohanan ng araw araw nilang pagsasakripisyo ng kanilang sariling
kaligayahan na makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay pag Valentine’s. Kung
tutuusin nga eh mas grabe ang kanilang sakripisyo kaysa sa amin na sundalo.
Kami kasi, kahit pa anong sabihin namin pinili namin ang maging isang sundalo,
yung mga misis namin pinili kami bilang mga tao na minahal nila, tinanggap na
lang nila ang aming pagiging sundalo. Kailan man ay hindi magiging makatarungan
na isakripisyo nila ang kanilang sariling kaligayahan kasi nga sundalo ang
asawa nila. Pero ganun eh, kaya tanggapin na lang, lalabas na lang yung mga
issue pag may mga okasyon gaya ng ginawa ng mga kapitalistang gustong bigyan ng
dahilan ang mga tao para gumastos.
Bukas, Valentine’s uli. Ako ngayon, ito, kakabalik lang sa
isang napakahabang conference. Hindi na ako inaway ng misis ko. Ang kagandahan
ngayon eh medyo napag usapan na ng maaga na walang mangyayaring romantic sa
Valentine’s. Yung mistah ko, sana hindi sya awayin. Hindi ko alam kasi nandun
sya sa malayo nakikibaka.
Sinusulat ko ito para hindi naman masayang ang mga
nararamdaman ko. Pinipilit ko man na hindi magpa apekto sa Valentine’s na yan,
talagang magaling ang mga burgis eh, naloko nila ang buong mundo. Talagang
ganyan ang buhay kailangan may magsakrpisyo. Sana lang hindi masayang yung mga
sakripisyong ito, malaki man o maliit. Sana maalala ng bawat isa sa atin na
gaya ng lahat may mga mahal din kami sa buhay. Oo, pinili naming ito, pero
hindi naman dapat maging parusa para sa amin ang serbisyong ginagawa naming para
kayoy maging maligaya. At sana mas lalong hindi parusa sa mga nagmamahal sa
amin. Lintik na imbensyon ng mga burgis yan.
Happy Valentine’s sa mga kasama kong sundalo at sa kanilang
mga mahal na hindi nila makakapiling dahil sa tawag ng katungkulan.
No comments:
Post a Comment